Wednesday, December 25, 2013

Sana Ngayong Pasko


“PASKO na naman, ngunit wala ka pa. Hanggang kailan kaya ako maghihintay sa iyo?”

PAKIRAMDAM ni Yachi ay tila isinasampal sa kanya ang lyrics ng kantang kasalukuyang tumutugtog sa stereo ng kanilang kapitbahay. Gusto sana niyang sugudin ang mga taong nakatira doon upang papalitan ng masasayang awitin ngunit pinigilan niya ang sarili. Ayaw niyang sirain ang magandang atmosphere ng araw na iyon sapagkat halos lahat ng tao ay nagdidiwang sa araw ng kapaskuhan maliban sa kanya. Sa halip na makisaya siya ay mas pinili niyang magkulong na lamang sa loob ng kanyang silid at sarilinin ang kamiserablehang nararamdaman niya. Kung tutuusin, ang araw ng Pasko ang pinakapaborito niyang araw sa buong taon maliban sa kaarawan niya. Noon iyon, iba na ngayon. Ang Pasko na ang pinakaitinuturing niyang sumpa sa kanyang buhay mula nang iwan siya ng kanyang asawang si Drachen at ipinagpalit sa ibang babae. Dalawang taon na ang nakakaraan ngunit hindi pa rin niya malimutan ang mga pangyayari noon. Sariwa pa sa alaala niya kung paano siya iniwan ng asawa sa mismong araw ng Pasko. Hindi man lamang ito nakapaghintay na makalipas ang Bagong Taon bago siya iniwan. Hindi niya maiwasang mapaluha muli habang unti-unting bumabalik sa alaala niya ang nangyari noon.


BISPERAS noon ng Pasko at masaya siyang naghahanda ng mga pagkain para sa media noche nilang mag-asawa. Si Drachen naman ay kasalukuyang nasa sa kuwarto nila at noong huli niyang silipin ito ay nakahiga pa ito sa kama nila. Nag-aalala kasi siya sa asawa sapagkat nang dumating ito buhat sa trabaho ay tila napakalalim ng isip nito at mukhang pagod na pagod. Hindi na nga siya nagawaran ng halik nang dumating ito. Tinanguan lamang siya nito bago tumuloy sa kanilang silid. Inintindi na lamang niya ito kahit may kaba na siyang nararamdaman nang dumating ito katulad ng mga nakalipas na buwan. Hindi man niya sinasabi ngunit tila nanlalamig na ito sa kanya. Tila nakalimutan na rin nito ang mga dating gawa at mga paglalambing na pinaparamdam sa kanya ni Drachen tulad noong sila ay maging mag-nobyo hanggang sila ay maikasal. 

     Anim na taon na silang kasal ngunit hindi pa rin nabibiyayaan kahit isang supling. Ayon sa doctor nila, pareho naman silang walang diperensya. Pareho silang healthy. Stress lang daw sila pareho sa trabaho. Masinsin silang nag-usap noon at nagpaubaya na siya na lamang ang magreresign sa trabaho niya upang sila ay makabuo na ng pamilya. Ngunit magpasahanggang ngayon ay hindi pa rin sila nabibiyayaan ng anak. Ang asawa pa niya ang nagpapalakas ng loob niya tuwing siya ay nalulungkot kapag nasasabik na siyang magkaroon ng anak. Ginawa na rin nila ang lahat para magkaanak lamang tulad ng pagsasayaw sa Obando pagnonovena at pagsisimba sa iba’t-ibang simbahan. Magkatulong silang dalawa at patuloy na umaasang magkakaanak din sila balang-araw.

     Ngunit nitong mga nagdaang buwan ay tila nag-iba na ng pakikitungo ni Drachen sa kanya at tila unti-unti na itong lumalayo sa kanya. Hindi na ito ang malambing at mapagmahal na asawa. Lagi na lamang itong nakaangil sa kanya. Konting pagkakamali lamang niya ay sobra na agad ang galit sa kanya. Hindi na rin siya nito niyayakap at hinahalikan. Inaamin naman niya sa sarili na sobrang nami-miss na niya ang dating Drachen.


     Ipinilig na lamang niya ang kanyang ulo upang mawaglit sa isipan niya ang masasamang pangitain. Itinuon na lamang niya ang pansin sa inihahandang media noche. Nang matapos ang paghahain ng mga pagkain sa hapag-kainan nila ay lumapit siya sa Christmas tree nila at may kinuha sa ilalim niyon. Kinuha niya ang regalo niya para sa asawa. Lingid sa kaalaman nito ay pinag-ipunan niya ang pambili niyon. Napansin kasi niya na pinipigilan lamang ni Drachen noon na bumili nang minsang mamasyal sila sa mall noon. Kaya pinag-ipunan niya ang pambili niyon at nang sapat na ang pambili niya ay dali-daling binili niya iyon sa mall. Habang bitbit ang regalo ay excited na niyang puntahan si Drachen sa silid nila upang gisingin ito sapagkat limang minuto na lamang at Pasko na. 


     Nang buksan niya ang pinto ng kanilang kuwarto nila ay laking gulat niya sa nakita. Gising na ang lalaki ngunit hindi siya napansin nito dahil nakatalikod ito sa kanya. Abalang-abala rin ito sa pakikipag-usap sa cellphone na tila nakikipagtalo. Napansin din niya ang mga travelling bags na nasa paanan nito. Laking gilalas din niya nang makita niya ang suot nitong polo shirt. Napatingin siya sa hawak niyang regalo sapagkat ang suot na polo shirt ni Drachen ay iyon ang nilalaman ng regalo niya para dito. Nang tingnan niya uli ito ay matamang nakatingin rin ito sa kanya. Halatang nagulat din ito ngunit agad iyon napalitan ng galit na ekspresyon.
     “May kailangan ka. Yachi?”

     Natauhan naman siya nang magsalita ito. “Merry Christmas, sweetheart!” Masayang bati na lamang niya kahit gusto na niyang bumunghalit ng iyak. Nilapitan niya at ginawaran ng halik sa labi ngunit agad din itong umiwas sa kanya.
     “What’s wrong?”

     “Yachi…” Tila hirap na hirap ito sa pagsambit ng kanyang pangalan.

     “May problema ba, Drachen?”

     “I can’t do this anymore. Ayaw ko ng magkunwari sa pagsasamang ito.”

     Nagimbal siya sa sinabi nito at unti-unti siyang lumalayo sa asawa at gulong-gulo siya sa nangyayari.

     “Yachi, I don’t love you anymore. Hindi ko alam kung kailan nangyari ngunit nagising na lamang ako na hindi na ako masaya sa piling mo.”

     Sa sinabing iyon ng asawa ay awtomatikong tumulo ang luha niya at namanhid ang buo niyang katawan. “May naging kasalanan ba ako sa’yo?”

     Napailing ito. “Wala. Ako ang naging mahina.”

     “Sino siya? Kilala ko ba siya?”

     “Oo. Nagkita uli kami ni Grace.”

     Lalo siyang napaiyak sa sinabi nito. Kilala niya ang babae, ito ang first love ni Drachen.

     “Akala ko nakalimutan ko na siya pero hindi pa pala. I still love her.”

     “Paano naman ako?”

     “Mahal naman kita pero mas matimbang ang pagmamahal ko sa kanya. At mabibigyan niya ako ng anak!”

     Napasinghap siya sa huling sinabi nito. Natulos na siya sa kinatatayuan at patuloy pa rin ang pag-agos ng mga luha niya. Sinamantala naman ng lalaki ang pagkakataon at binitbit na nito ang mga bag na nasa paanan nito.

     “Paalam, Yachi and I’m sorry…” Huling sabi nito bago isara ang pintuan. Naiwan naman siya habang hawak-hawak pa rin ang regalo niya para dito. Nang matauhan siya ay napansin niyang na-deform na ang regalo dahil sa higpit ng kanyang pagkakahawak at tuluyan na rin siyang napahagulhol.


“SANA ngayong pasko ay maalala mo pa rin ako. Hinahanap-hanap pag-ibig mo. At kahit wala ka na. Nangangarap at umaasa pa rin ako. Muling makita ka. At makasama ka. Sa araw ng Pasko…”


KATULAD pa rin nang mga nagdaang Pasko ay hindi mapigilan ni Yachi ang mapaiyak at maramdaman ang sakit na dulot niyon. Unti-unti na rin niyang natatanggap sa sarili na ang Pasko ang pinakamalungkot na araw sa kanya at habang buhay niyang mararamdaman iyon.






- Wakas -

No comments:

Post a Comment