Wednesday, November 13, 2013

Next Time I Fall - Chapter 1

“MAGANDANG umaga po, Ma’am Xianne!”
Bati sa kanya ng Guard-On-Duty sa barkong binibisita niya ng araw na ‘yon. Binati at nginitian din niya ang guwardiya. Limang taon na siyang nagtatrabaho bilang isa sa mga technical staff ng Monte Cristo Shippping Lines. Isinunod ito sa pangalan ng paboritong pelikula ng may-ari at big boss nila at ang mga pangalan naman ng mga barko ay isinunod sa pangalan ng mga Disney princess. Sa kumpanyang ito lamang siya nag-enjoy ng husto kaya umabot siya ng ilang taon sa pagtatrabaho dito. Wala naman siyang mairereklamo sa pamamalakad at pasuweldo sa kanila sapagkat fair naman ang mga may-ari sa mga benefits ng mga empleyado.  Kahit halos wala na silang holiday, ay okay lang sa kanila sapagkat double pay naman. Ngunit ang pinaka-importante sa lahat ay nage-enjoy siya sa pagiging technical staff niya. Kaya, heto s’ya ngayon, isa na siya sa maituturing na senior technical staff. Namalayan na lamang niya na nakaakyat na siya sa second deck ng M/V Empress Aurora. Agad siyang sinalubong ng mga crew nito at inasikaso agad siya. Ganoon kahigpit ang management sa mga crew pagdating sa kagandahang-asal.
            “Good morning, Ma’am Xianne!” Magiliw na bati sa kanya ng Chief Steward. “Ano po ang maipaglilingkod namin sa inyo?”
            “Good morning, Emil.” Ganting bati naman niya. “I just came here to check and hear your concerns. Alam mo na, follow-ups of job orders, requests etc.” Luminga-linga at lumibot-libot  siya sa paligid upang tingnan kung may makikita siyang sirang upholstery at iba pa habang kasunod pa rin niya ang chief steward na si Emil. “May follow-up ka pa ba? ‘Yung mga ini-request mo eh napadala na daw lahat dito sabi ng warehouseman natin. Kung may kulang pa, sabihin mo lang sa akin para ako na lang ang mag-follow up sa kanila.” Sunod-sunod niyang sabi habang nag-susulat siya sa kanyang record book na palagi niyang bitbit sa tuwing magpi-field siya.
            “Eh ma’am, kompleto na naman po. Next week po, baka po mag-request na uli kami ng consumables kasi end of the month na po.”
            “Okay. Basta, siguraduhin n’yo lang na hindi kayo masyadong aksayado sa paggamit ng mga consumables. Kelangan pa rin nating magtipid. Also, don’t forget to submit your monthly inventory.”
            “No problem, ma’am!” Saludo pa nito sa kanya na ikinatawa niya.

CHAYCE was busy watching the monitor in front of him. Naandoon siya sa pilot house ng M/V Empress Aurora at abalang-abala sa panonood sa bawat kilos ng babaeng itinatangi niya sa ilang taong pagtatrabaho niya bilang kapitan ng barko. Napaka-suwerte din niya sapagkat ito ang tumatayong coordinator sa barko nila. Hindi man siya ang palagi nitong kinakausap, kontento na siya sa pagbabatian nila at pagtanaw-tanaw niya dito. Pero minsan, hindi niya maiwasang magselos sa mga co-officers niya lalo na kapag nagpapakita ang mga ito ng interes sa dalaga. Takaw-pansin kasi ang kagandahan ni Xianne. At nang magsabog ang Diyos ng lahat ng kagandahan ay ito lamang yata ang nakasalo ng lahat ng iyon. Kahit saan mang anggulo ay napakaganda nito. Napakaamo ng mukha nito ngunit nakikita sa mga mata nito ang maawtoridad na personalidad, aristokratang ilong at maninipis na labi na animo’y laging nag-aanyaya ng halik. Bumagay din rito ang lagpas-balikat na buhok na pwedeng maging modelo ng isang shampoo.
“My sweet Xianne…” Usal na lamang siya. Maya-maya ay pumasok ang Chief Mate na naging matalik na niyang kaibigan. Napailing na lamang ito nang makita nito kung sino ang pinapanuod niya mula sa monitor. Hindi na lihim dito ang matagal na niyang pagtangi sa dalaga.
            “Hopeless case ka na, pare.” Biro ni Rad sa kanya. “Ayaw mo pa kasing ligawan.”
            “Sira-ulo ka pala. Kita mo ng may boyfriend pa ‘yung tao.”
            “Sus, hindi pa naman sila kasal. P’wede mo pang agawin.”
            “Tigilan mo nga ako, Rad.”
            “Bahala ka. Ikaw rin, baka maunahan ka ng taga-kabilang barko. Balita ko eh nagpapakita na ng motibo ‘yung hambog na ‘yon kay Miss Xianne.” Hindi niya maiwasang sumimangot sa sinabi ng kaibigan niya. Ang tinutukoy nito ay ‘yung isa niyang kasamahang kapitan sa M/V Empress Belle at tama si Rad sapagkat malaki pa ang yabang nito sa katawan.
            “Hindi naman siya papansinin ni Xianne.” Usal na lamang niya.
            “Naks, first name basis na kayo ni Miss Xianne! Close kayo?” Pang-aasar pa rin ni Rad sa kanya. Matalim niya itong tiningnan ngunit tinawanan lamang siya nito. Nasa ganoong eksena sila ng pumasok naman ang kaibigan nilang Chief Engineer ng barko ding ‘yon na si Axe.
            “Inaasar mo na naman ang pogi nating kapitan.” Dito naman nabaling ang atensiyon ni Rad.
            “Paano kasi, itong kaibigan natin eh hindi pa ligawan si Miss Xianne. Natotorpe pa yata.” Reklamo nito kay Axe. “Mauunahan na kasi ng iba.”
            Inakbayan naman siya ni Axe. “Oo nga naman, pare. Ilang taon mo na rin namang itinatago ang damdamin mo kay Miss Xianne. Sige ka, pag hindi ka pa kumilos, ako na lang manliligaw sa… Aray!” Hiyaw nito sapagkat siniko niya ito sa tagiliran. “Ang sakit no’n ha!” Sabi pa nito habang hinihimas ang parting nasaktan niya.
            “Malala ka na talaga, pare!” Tatawa-tawang sabi naman ni Rad.
            “Pa-kiss nga, pare! Ang guwapo-guwapo mo talaga!” Panunukso uli ni Axe sabay kabig sa kanya upang bigyan siya ng kunwaring halik. At sa ganoong eksena sila naabutan ni Xianne na halatang ikinagulat nito.

NAPATAAS ang isang kilay ni Xianne sa eksenang natagpuan niya sa loob ng pilot house ng M/V Empress Aurora. Naghaharutan ang mga pangunahing opisyal ng barko. Kung makikita lamang ang mga ito ng mga subordinates nila ay malamang na hindi na igalang ang mga ito.
“Boys will be boys…” Napailing na lamang siya at bahagyang nginitian ang mga ito na nakamata pa rin sa kanya. Halatang hiyang-hiya ang mga ito sa kanya kaya dali-daling umayos ang mga ito ng kilos. Pinigilan niyang mapatawa ng sabay-sabay siyang nginitian ng mga ito. Napansin din niya na pulang-pula ang mukha ng kapitan.
            “Good morning, gentlemen.” Bati niya sa mga ito.
            “Good morning, Miss Xianne!” Sabay-sabay pang sambit ng mga ito. Unang bumawi sa pagkapahiya ang Chief Mate ng barko at malugod siyang pinaupo sa isa sa mga silya ng mini-conference area doon.
            “Miss Xianne, maupo muna kayo. Ano po ba maipaglilingkod namin sa inyo?”
            “As usual, Sir Rad, follow-up of job orders and requests.”
            “Ah…” Napapatangong sabi nito sabay lingon sa dalawa na natahimik na simula nung dumating siya. Tiningnan din niya ang dalawa na parang naestatwa na sa kinatatayuan.
            “Imik naman d’yan kahit mali.” Untag ng Chief Mate sa dalawa.
Waring natauhan naman ang dalawa at pinandilatan ng mga ito ang opisyal na tatawa-tawa lamang. Binalingan uli siya ng opisyal at humingi ng pasensya sa kanya.
“Pasensya ka na ha? Ganyan talaga ang mga ‘yan kapag nakakakita ng magandang dilag, parang naeengkanto lalong-lalo na si Kapitan.”
Napansin niyang lalong namula ang mukha ng tinutukoy. Maya-maya pa’y namaalam na ito sa kanila at hinila na rin nito ang Chief Engineer palabas ng pilot house na halatang wala pa rin sa huwisyo. Tatawa-tawa naman ang Chief Mate na kausap niya.
            “Okay lang sila, Sir?”
            “Don’t mind them especially Captain Mijares. Mahiyain kasi ang mga ‘yon. Ano, magsimula na tayo?”
            Napatango na lamang siya at nagsimula na siyang mag-jot down ng mga notes at concerns ng opisyal tungkol sa barko ng mga ito.

“PARE, parang mga tanga tayo doon kanina sa loob!”
Reklamo ni Axe sa kanya. Doon sila nagpasyang tumigil sa open area accommodation ng barko. They needed air to breathe especially him. Totoo naman ang sinabi ni Axe kani-kanina lang na nagmukha silang tanga sa harap ni Xianne. Luko-luko talaga ang mga kaibigan niya lalo na si Rad na especially mention pa siya sa dalaga!
            “Ang gulo-gulo n’yo kasi.” Naiinis niyang sabi. “Nakakahiya kay Xianne.”
            Nakakalokong nginitian siya ni Axe. “Iisipin siguro ni Miss Xianne na bading ka.” At humalakhak ito ng nakakaloko. “Turn off na ‘yon sa’yo.” Binatukan niya ito ngunit hindi alintana dito ang ginawa niya.
            “Kasalanan mo ‘yun, Axe!”
            “Wala akong kasalanan, Chayce. Hindi naman natin akalain na biglang susulpot doon si Miss Xianne. Teka, ‘di ba monitored mo naman siya sa camera?”
            “Oo na, kasalanan ko rin.”
            “Huwag na nga tayong magturuan kung sino ang may kasalanan. At saka, ba’t nga pala umalis tayo doon? Dapat naandoon ka rin at nakikipag-usap sa kanya, halip na si Rad.”
            “Kaya na ‘yon ni Rad.”
            “Torpe ka lang. Sabagay, baka nga naman bigla ka na lang bumulagta sa harap ni Miss Xianne. Mas kahiya-hiya ka na talaga!”
            “Ewan ko sa’yo.” Tinalikuran na niya ang madaldal na kaibigan at nagsimula na siyang maglakad papunta sa kabina niya.
            “Hoy, saan ka na pupunta?”
            Nilingon niya ito. “Bumalik ka na sa engine room. Baka nagkakagulo na doon ang mga tao mo.”
            “Sasabay na ako sa’yo!” Habol nito sa kanya at magkaagapay na nilang nilisan ang lugar.


XIANNE and Jeffrey, her boyfriend of two years, were having dinner in a posh restaurant. Napaka-romatic ng ambiance ngunit hindi niya maramdaman iyon. Something was wrong, ramdam na niya iyon simula pa lamang ng sunduin siya ng kasintahan mula sa bahay nila. Napansin din niyang parang balisa si Jeffrey. Naninibago siya sapagkat napakatahimik nito samantalang dati ay napakarami nitong kuwento sa kanya tuwing sila ay magkikita.            Nagpasya na siyang kausapin ito.
            “Okay ka lang ba, hon?” Mukhang hindi nito narinig ang sinabi niya. She called his attention by touching his right hand that was resting on their table. Halatang nagulat ito.
            “Are you saying something, Xianne?”
            “I said if you’re okay. May problema ka ba?”
            “Ahm, wa-wala. I’m just tired from work.”
            Napabuntong-hininga siya. “You should have told me para hindi na tayo lumabas ngayon. Ipinagluto na lang sana kita sa bahay.”
            “Okay lang, hon. Tutal matagal-tagal na rin tayong hindi lumalabas. Gusto kong makabawi man lamang sa mga pagkukulang ko sa’yo.”
            Ngumiti siya sa binata. “I love you, Jeffrey.” Her boyfriend kissed her hand.
            “I love you too, Xianne.”

CHAYCE saw red that morning. Naglalakad siya sa parking area ng Monte Cristo Shipping Lines nang makita niyang umibis mula sa kotse si Xianne. Nakita rin niyang ipinagbukas ng boyfriend nito ng pinto ang dalaga. At ang masaklap pa nito nakita mismo ng dalawang mata niya na hinalikan pa ng lalaki si Xianne sa mga labi. It was a brief kiss pero pakiramdam niya ay gumuho ang kanyang mundo. Iniiwas na lamang niya ang tingin sa dalawa ngunit pakiramdam niya ay naestatwa na siya sa kinatatayuan. Hindi rin niya maihakbang ang mga paa niya.
“Damn! Ang sama naman ng umaga ko!”
Nang ibalik niya ang tingin sa dalawa ay nakatanaw na si Xianne sa papalayong kotse ng kasintahan. Makalipas ang ilang segundo ay pumasok na ito sa lobby ng building. Doon lamang siya nagpasyang kumilos na. Hindi na niya itinuloy ang planong pumunta sa opisina at babalik na lamang siya sa barko na nagngingitngit pa rin ang kalooban niya.

“PWEDE na akong kunin ni Lord!” Tili ni Miley pagkapasok na pagkapasok nito sa department nila. Nagtatakang napalingon sila lahat dito na animo’y nakakita ng aparisyon sa labas. Napapailing at natatawa na lamang ang mga kalalakihan sa inasal nito sapagkat natitiyak na nilang nakakita na naman ito ng magandang nilalang. Nagkakaganoon lamang ito kapag may nasilayan itong kanais-nais sa paningin.
“O Miley, magpapareserve na ba kami ng kabaong sa punerarya?” Biro naman ni Sir Dylan, ang kanilang Officer. “Guys, magkontribusyonan na tayo para sa kape at biscuit.”
Iniannounce pa nito sa buong department na ikinatawa nila sapagkat hindi na maipinta ang mukha ni Miley. Palihim nitong sinimangutan ang kanilang Officer bago magpunta sa table nito. Nang makaupo ito sa sariling table ay masama pa rin ang mood nito.
            “Iyan talagang opisyal natin, panira ng moment. Insecure lang porke’t hindi siya fafable. Hmp!” Sabi pa ni Miley sa kanila. Napatawa sila sapagkat alam nilang simula’t-simula pa ay nagkakairingan na ang mga ito sa mga maliliit na bagay.
Sasampu lamang silang babae sa department nila na karamiha’y mga kalalakihan na ang bumubuo sa kanila. Ang department nila ang pinakamaingay at pinakamasaya kaysa sa ibang departamento ng kumpanyang iyon. Sa kanila rin napapunta ang pinaka-cool at galanteng department head na mahilig ding makigulo sa kanila.
            “May araw din ‘yang Dylantot na ‘yan!” Nanggigigil pa ring pasaring ni Miley dito. Nilapitan naman ito ni Teri, ang Purchasing Officer at pinaka-ate ng lahat. Inakbayan nito si Miley at pinapakalma.
            “Huwag mo na lang pansinin si Dylan, Miley.” Payo nito sa huli. “Tumatandang binata na kasi. At saka alam naman nating lahat na may gusto ‘yon sa’yo.”
            Pinandilatan naman ni Miley ito. “Que horror, Ate Teri. Tigilan mo ako!”
            Napatawa siya at nagpasya na siyang sumali sa usapan ng mga ito. “Sino ba kasing nakita mo at ganoon na lamang ang pagkakatili mo?”
            “Oo nga at may pakunin-kunin ka pa ni Lord na sinasabi.” Segunda naman ni Elvie.
            Napansin niyang umaliwalas na uli ang mood ni Miley at tila kinikilig na naman. “Nakita ko lang naman si…”Bitin pa nito na parang sinasapian ng masamang espiritu ang hitsura.
            “Sino nga?!” Sabay-sabay pa nilang tanong dito. Tumingin naman sa kanya si Miley na ngingiti-ngiti.
            “Alam mo, Xianne, napaka-suwerte mo kapag nagpupunta ka sa vessel nila. Ikaw kasi ang coordinator nila.”
            Napataas ang kilay niya sa binanggit nito. “Sino ba ang tinutukoy mo at bakit mo naman nasabing napaka-suwerte ko?”
            “Si Capt. Mijares ang tinutukoy ko!”
            “As in ang nag-iisang Capt. Chayce Romualdo Mijares ng M/V Empress Aurora?” Sabay pang banggit nina Teri at Elvie.
            ‘Mismo!” Sabi naman ni Miley. “Kaya ang suwerte mo, Xianne! Kasi lagi mo siyang nakakapiling at nakakausap.”
            “So?” Bored pa ring tanong niya.
            “Hello! Can’t you find Capt. Mijares attractive?” Baling ni Elvie sa kanya. Umiling siya at sabay-sabay na pumalatak ang mga ito.
            “Girl, bulag ka ba? Super-duper-mega-over gwapo ni Capt..Complete package na siya!” Sambit naman ni Teri. “Biruin mo, lahat ng pinakaguwapong opisyal sa kumpanyang ito ay pinagsama-sama sa barkong hina-handle mo. From its Master down to his subordinates, wala kang makikitang pangit!”
            “Lalo na si Chief Mate Rad.” Dugtong ni Miley.
            “Pati na rin si Chief Engineer Axe!” Segunda din ni Elvie.
            “O Miley, akala ko ba, si kapitan ang sa’yo? Don’t tell me lahat gusto mo sila.” Sabi naman niya.
            “Korak ka, mare! Lahat gusto ko sila.”
            “Kami rin!” Sabat naman ng dalawa.
            “Oh I see. Well, good luck na lang sa inyong tatlo.” Kibit-balikat na lamang niya. Maya-maya pa’y nagsidatingan na ang mga iba nilang kasamahang babae at lalaki. Dumating na rin ang department head nila na si Sir Treize. Sabay-sabay nilang binati ang bossing nila. Bumati rin naman ito sa kanila na may kasama pang ngiti.
            “Good morning, guys! Musta ang mga gising ninyo?”
            “Okay lang, sir!” Sabay-sabay nilang sagot. Maya-maya pa’y nagtaas ng kamay si Miley para kuhanin ang atensiyon nito. “Yes, Miley?”
            “Sir, pwedeng ako na lang ang coordinator sa Aurora?”
            “Aurora, Quezon?” Biro naman nito.
            “Sir, sa M/V Empress Aurora ho.” Sagot ni Miley.
            “At bakit naman, Miley? Si Xianne ang may hawak dun.”
            “Crush daw po ni Miley ang mga opisyal dun lalo na si Capt.” Pang-aasar naman ni Dylan na narinig pala ang pag-uusap nila.
            “Inggit ka lang!” Sabay irap ni Miley sa lalaki.
            Natatawa naman ang bossing nila. “Crush mo pala ang bayaw ko but I’m sorry, Miley. Hindi kita mapapagbiyan sa request mo. Pang-office ka lang pero kapag gusto mong sumama sa pagpi-field ng mga coordinators, you can go with them.”
            “Talaga, sir?” Excited na sabi ni Miley.
            “But in one condition… please behave, okay?”
            “Promise, sir! Hindi ko sila kakainin.” Hagikhik nito na ikinatawa nilang lahat.
            “That’s enough, guys. Let’s get to work na!” Anunsiyo na nito bago ito pumasok sa sarili nitong opisina na nasa sa loob din ng kanilang departamento.



No comments:

Post a Comment