Friday, September 27, 2013

Till We Meet Again (Part II) - Chapter 4

PALABAS na sila ni Jonah sa main restaurant ng resort nang tawagin ng receptionist doon ang atensyon ni Skye.
            “Ma’am Skye?” Tawag sa kanya ng babaeng receptionist at alanganing lumapit sa kanya habang bitbit ang isang may kalakihang bouquet ng iba’t-ibang kulay ng tulip flowers.
            “Yes?”
            “Pinabibigay po sa inyo ng isang guest dito sa resort.” Sabi nito sa kinikilig na tinig sabay abot sa kanya ng mga bulaklak.
            “T-thank you.” Wala sa sariling tinanggap naman niya iyon at malayang pinagmasdan ang mga bulaklak. Napansin niya ang isang card na kasama niyon at nabasa niya na doon ito binili mismo sa flower shop na nasa resort. Naudlot ang tangkang pagbabasa niya sa card sapagkat nagsalita si Jonah sa tabi niya.
            “Naks naman!” Sambit nito. “May admirer ka na agad?”
            Bumuntong-hininga muna siya sabay iling. “Natuwa lang siguro dahil sa mga natikmang pastries and desserts. Tara na nga!”
            “Hindi mo ba babasahin ‘yung nakasulat sa card?”
            Umiling siya. “Hindi na. Doon ko na lang babasahin pagdating ko sa quarters.”

PAGKAPASOK na pagkapasok ni Skye sa kanyang quarters ay agad niyang kinuha ang maliit na card na kasama ng mga bulaklak.
            Nang mabasa niya ang nakasulat doon ay tila kinapos siya ng paghinga at pakiramdam niya ay nawalan ng kulay ang mukha niya. Ilang beses siyang huminga ng malalim at nang mahimasmasan ay muli niyang binasa ang nakasulat doon.
            My Skye,
            Meet me at “our bench” tonight, 8 pm sharp…
            Missing You,
            K
            Matapos mabasa ang nakasulat doon ay nanghihinang napaupo siya sa kamang naandoon habang pinagmamasdan ang mga bulaklak na hawak niya. Hindi pa rin siya makapaniwalang naandoon din si Kevin sa resort.
            Ang tadhana nga naman! Piping sambit niya. Timing na timing!

MAKALIPAS ang ilang minuto ay tila wala pa rin sa sarili si Skye dahil sa sorpresang natanggap niya ng araw na iyon kaya laking gulat niya ng tumunog ang cellphone niya.
            Nang dukutin niya ito sa bulsa ng kanyang pantalon at tingnan sa screen kung sino ang caller ngunit unregistered number lamang ang nabasa niya. Para hindi na madagdagan pa ang isipin niya ay sinagot niya ang tawag.
            “Hello?” Narinig niyang tumikhim muna ang nasa kabilang linya. Daig pa niya ang sinipa ng kabayo sa tindi ng kabog ng dibdib niya nang marinig ang boses ng tumatawag sa kanya sapagkat kahit ilang taon na ang nakakaraan ay tanda pa rin niya ang boses ng lalaki.
            “Skye?”
            “Kevin?” Natahimik ang kabilang linya at tanging paghinga lamang ng lalaki ang naririnig niya. “Hello?”
            “So, see you tonight?”
            Siya naman ang hindi nakasagot sa tanong ng lalaki. “I-I…uhm---- yes.”
            “Is your husband with you?”
            “No….” Mahinang sagot niya. “He’s not here.”
            “Okay. See you then.”
            “Sure. By the way, thanks for the flowers. It’s beautiful.”
            “Do you love them?”
            “Yes.”
            “Bye, Skye.” Paalam na nito sa kanya. “See you tonight.”
            “Bye, Kevin.”
            Pagka-off ni Skye sa kanyang cellphone ay hindi na niya napigilang mapaluha. Samu’t-saring emosyon ang nararamdaman niya ng mga sandaling iyon. Nang makalma ang sarili ay nagpasya na siyang bumalik sa restaurant.

“SHE’S not married.”
            Napaangat ang tingin ni Kevin mula sa binabasang dyaryo patungo sa mukha ng kaharap. Kasalukuyan silang nasa coffee shop ng pinsan niyang si Oliver. Matamang pinagmasdan niya ito kung nagsasabi nga ito ng totoo.
            “Really?”
            Napabuntong-hininga si Oliver. “Yes.”
            “That’s impossible.”
            “Tsk! Bahala ka kung ayaw mong maniwala.” Mukhang naiinis ng sabi ng pinsan niya. “Ininterview ko kanina ‘yung kaibigan niya dito.”
            Nagkibit-balikat lamang siya sa tinuran ng lalaki at ibinalik uli ang mga mata niya sa pagbabasa ng dyaryo. He heard his cousin chuckled.
            “I will see her tonight.”
            “Good luck, Kevin.” Sabi na lamang nito. “But I wish you happiness.”
            “Thanks!”

Thursday, September 19, 2013

Till We Meet Again (Part II) - Chapter 3

PAGKATAPOS ng dinner ay nagpasyang mag-relax muna sa tabing-dagat si Skye. Nagpaalam muna siya sa kanyang mga kasamahan na pansamantalang iniwan muna niya sa mess hall na laan para sa mga empleyado ng resort. Kanina pa niya gustong puntahan ang isang lugar doon kung saan nagkaroon iyon ng malaking bahagi sa buhay niya pitong taon na ang nakakaraan.
            Habang tahimik na tinatahak ni Skye ang pinupuntiryang lugar ay hindi niya maiwasang isipin ang lalaking nakilala niya doon. Napangiti rin siya nang pumasok sa isip niya ang imahe nito.
            Kumusta na kaya siya? Ani niya sa isip. May asawa’t anak na rin siguro siya.
            Napailing siya sa huling turan niya. Nakadama rin siya ng pagkalungkot at tila pinipiga ang puso niya dahil sa isiping iyon.
            Nang makarating siya sa pinakapaborito niyang lugar ay pinadaanan muna ng mga daliri niya ang sandalan ng wrought-iron bench na naandoon bago naupo. Nakaramdam siya ng kapayapaan ng mga oras na iyon. Naramdaman rin niyang may namalisbis na luha mula sa kanyang mga mata ng mapapikit siya.
            Wherever you are, I know you’re happy right now…

HALOS isang oras din ang itinagal ni Skye sa pagkakaupo niya doon. Nang maikalma ang sarili ay nakangiti na siya nang tumanaw sa kalawakan ng karagatan na nasa harapan niya. Nakaramdam siya ng katahimikan ng loob habang nakatanaw doon. Saka lamang siya nagpasyang bumalik na sa kanyang sariling quarters ng makadama siya ng antok at pagod. Pero bago siya umalis doon ay gumawa muna siya ng isang maikling mensahe mula sa post-it paper na nakalagay sa loob ng sling bag na laging dala-dala niya. Matapos maisulat ang mensahe ay idinikit niya ang naturang papel sa pinakasandalan ng upuan at walang lingon na nilisan ang lugar.

“SHUT up, Oliver!”
            Naiinis na turan ni Kevin sa pinsan nito na mula pa kagabi ay hindi na siya tinantanan nito tungkol sa sinasabi nitong nakita nito si Skye.
            “Bakit ba ayaw mong maniwala sa akin na nakita ko siya kagabi? Doon mismo sa lugar na paborito mong tambayan.”
            Tiningnan niya ito ng masama. “Kung talagang nakita mo siya eh bakit wala siya doon nung puntahan natin? It’s been years, Oliver.”
            Mukhang naiinis na rin sa kanya ang lalaki. “I really saw her! Hindi ko na naisip na lapitan kasi nga mas inuna kong sabihin sa’yo na naandoon siya. Unfortunately, hindi na natin siya naabutan!”
            “That’s enough!” Pasigaw niyang sabi na ikinagulat nito. “Skye will never be back! Imposible na kasi masaya na siya sa piling ng asawa’t mga anak niya! Natitiyak kong nalimutan na rin niya ako!”
            “Whatever you say, Kevin…” Mahinahong sabi ni Oliver sa kanya. “Hindi ako namamalik-mata lang. Nakita ko talaga siya. If you don’t believe me, bahala ka.” Pinal na sabi nito bago iwan siya nito sa kuwartong inookupa nila.
            Napabuntong-hininga na lamang siya at tila nanghihinang napaupo sa kama doon.

UNANG ARAW pa lamang ni Skye sa trabaho ay sobrang busy na siya. Madaling-araw pa lamang ay nagsimula na siyang gumawa at mag-prepare ng iba’t-ibang klaseng dessert na ilo-launch nila ng araw na iyon, Napagdesisyunan ng management na iseserve ang mga luto niya kapag oras na ng tanghalian at on-the-house ang mga dessert para sa mga guests ng resort.
            Isang oras  na lamang bago magtanghalian ay natapos na niya ang lahat ng mga lutuin niya kaya may oras pa siyang mag-refresh at mag-relax upang maibsan ang kabang nararamdaman niya. Nagpaalam siya sa restaurant manager na uuwi muna sa employee’s quarter. Nang mapayagan ay dali-dali siyang umalis na para makabalik agad.

KEVIN felt restless after hearing Oliver’s news about Skye. Ayaw niyang maniwala sa pinsan niya. He has mixed emotions that time. Pero deep inside, umaasa pa rin siyang totoo ang sinasabi ni Oliver sa kanya na naandoon din uli si Skye sa resort at hindi ito namamalik-mata lang.
            At the same time, he has fears in his heart. Natitiyak niyang lalo lamang siyang masasaktan kapag nakita na uli niya ang babae. She’s married, for God’s sake! Alam niyang masaya na ito sa buhay may-asawa nito. Hindi katulad niya na magpasahanggang ngayon ay hindi pa rin siya maka-move on at nakatali pa rin sa pagmamahal niya kay Skye.
            Hanggang sa makarating siya sa lugar na kinaroroonan ng wrought-iron bench ay ganoon pa rin ang pakiramdam niya. Ngunit agad napakunot-noo siya nang mauupo na siya doon ay napansin niya ang isang neon pink na post-it na nakadikit sa kabilang dulo ng sandalan. Nang tanggalin niya iyon mula sa pagkakadikit ay tila binuhusan siya ng malamig na tubig. Pakiramdam niya ay nanlamig ang buong katawan niya lalo na ng mabasa niya ang nakasulat doon.

Friday, September 13, 2013

Till We Meet Again (Part II) - Chapter 2

NAPAKUNOT-NOO ito.
“Imposible!” Malakas na sabi nito. “Kung naghahanap ka ng mapapaglaruan, p’wes hindi ako ang tipo ng babaeng hinahanap mo. Mamili ka na lamang sa mga babaeng guests dito na kanina pa nagpapapansin sa’yo.”
            “At paano mo naman nasabi na maraming nagpapapansin sa akin dito? Kanina mo pa siguro ako pinapanuod.” Panghuhuli niya sa babae. Napatiim-bagang ito at namula ang mukha.
            “In your dreams!” Pagalit na sabi nito at akmang tatayo ngunit agad niyang naagapan ang pagtayo nito. Nangyari tuloy ay napasubsob ito sa kanya.
Naiyakap agad niya ang kanyang mga braso sa beywang nito. “Ano ba?” Tili nito. Ngunit agad ding natahimik nang mapansin nito kung gaano kalapit ang mukha nila sa isa’t-isa.
Napalunok siya ng sunod-sunod sapagkat naramdam niya ang mainit at mabango nitong hininga sa kanyang mukha. Dahil doon ay hindi na niya napigilan ang sarili na halikan ito.
Noong una ay hindi tumutugon si Skye ngunit nang palalimin niya ang halik ay kusa ng bumuka ang mga labi nito sabay yakap sa leeg niya. Napaupo ito sa kandungan niya.
“Skye…” Anas niya sa pagitan ng mga halik nila. “Will you be my girl?”
Tila natulos sa kinauupuan ang babae at bahagyang naitulak siya. Napatayo na rin ito at nanlalaki ang mga matang nakatingin sa kanya. Halo-halong guilt, sakit at lungkot ang nabanaagan niya sa magandang mukha nito. Mukhang litong-lito rin ito sa pangyayari.
“What’s wrong, sweetheart? We have the same feelings towards each other. Naramdaman ko iyon habang hinahalikan kita. There’s something inside me that I can’t explain. I love you, Skye!”
Napailing ito at napansin niyang pinipigilan nito ang mapaluha. “This is not right, Kevin.” Pagkasabing iyon ay tuluyan na itong napaiyak kaya agad niya itong dinaluhan at niyakap ng mahigpit upang maipadama ang init ng kanyang pagmamahal. Hinayaan niya itong umiyak ng umiyak sa kanyang mga bisig hanggang tumahan ito.
“Ssshhh… it’s alright, sweetheart. Naandito lang ako para sa’yo.”
“Hindi mo kasi naiintindihan.”
Kumalas ito mula sa pagkakayakap niya at matamang tinitigan siya. He winced when he saw the pain in her eyes.
“Aaminin ko at tulad mo rin, when I saw you this morning, may naramdaman akong kakaibang damdamin para sa’yo. I felt that we’re meant for each other.”
Lumambot ang ekspresyon niya sa sinabi ng dalaga kaya hindi niya napigilan ang sarili na haplusin ang pisngi nito.
“But?” He asked.
Bumuntong-hininga muna si Skye bago muling nagsalita. “I-I’m getting married three months from now… I-I’m sorry.” Sabi nito na ikinagimbal niya. Pakiramdam niya ay pinagbagsakan siya ng langit at lupa sa nalaman. He felt his heart was ripped into pieces. Hindi siya makahinga ng maayos at wala sa sariling napasabunot ang kanyang mga kamay sa kanyang buhok.
“Oh Kevin, I-I’m sorry…”
He felt his tears fell. Umiwas siya ng tingin. Alam niyang walang maniniwala sa kanya pero anong magagawa niya kung unang kita pa lamang niya kay Skye ay may umusbong na agad na pagmamahal sa puso niya para sa babae.
Na-love at first sight siya and he felt also that she was his life mate. Pero bakit napaka-unfair ng buhay? They have the right love at the wrong time. Hindi niya alam kung ano ang sasabihin sa babae.
Wala siyang magawa kundi ang yakapin na lamang si Skye ng mahigpit. Nang yumakap din ito sa kanya ay doon na niya pinakawalan ang pinipigil na damdamin. Pareho nilang iniyakan ang mga pangyayaring iyon. Iniyakan nila ang pagkasawi ng mga damdamin nila.
Nang humupa ang nararamdaman nila ay nagkasya na lamang sila sa mga yakap ng isa’t-isa habang nakaupo sa bench doon at kontentong nakatanaw sa karagatan. Mga pintig lamang ng mga puso nila ang maririnig sa katahimikan ng gabi.
I love you, Skye… till we meet again. Piping sambit ni Kevin habang hinahalikan niya ang ibabaw ng ulo ng babaeng minamahal.

NAGBALIK sa kasalukuyan ang diwa ni Kevin at napatingin sa bakanteng espasyo sa tabi niya. Sa lugar na iyon din sila naghiwalay ni Skye. Ang huling pagkikita nila ay noong araw ding iyon nang inihatid pa niya ito sa daungan ng mga bangka upang bumalik na sa bayan ng Batangas.
Nang makaalis na si Skye ay saka niya nalaman na iyon na rin ang huling araw ng babae sa trabaho. Pinagresign na pala ito ng mapapangasawa. Gusto man niyang habulin ito at ipaglaban ang pagmamahal niya ay pinigilan niya ang sarili dahil ayaw niyang masasaktan si Skye.
Kaya heto siya ngayon, taon-taon siyang bumabalik sa island resort kung saan niya unang nakita at minahal ang babae upang sariwain ang mga alaala nilang dalawa. Napapikit siya nang masamyo niya ang hanging-dagat at naalala ang huling sinabi sa kanya ni Skye bago sila naghiwalay.
            “Every time na pupunta ka sa lugar na ito at naramdaman mo ang hanging-dagat na yumayakap sa’yo, ipikit mo lang ang iyong mga mata at isipin mo na ako ang hanging iyon na yumayakap sa’yo…” 
            At hindi na naiwasan ni Kevin ang mapaluha.

Wednesday, September 11, 2013

Till We Meet Again (Part II) - Chapter 1

“HINDI mo pa rin siya makalimutan.”
Untag ng pinsan niyang si Oliver sa kanya bago ito naupo sa tabi niya. Natagpuan kasi siya nito na nakaupo na naman sa isang wrought-iron bench doon na paboritong tambayan nila noon ni Skye, ang babaeng patuloy pa rin niyang minamahal. 
Pitong taon na ang nakakaraan pero hindi pa rin malimutan ni Kevin ang babaeng nakilala niya sa island resort na iyon. Taon-taon siyang bumabalik sa lugar at nagbabakasakaling masilayan uli niya si Skye pero bigo pa rin siya.
Narinig niyang napabuntong-hininga ang pinsan niya at nang tingnan niya ito ay nasa hitsura nito ang pakikisimpatiya sa pinagdadaanan niya.
“Okay lang ako, Oliver.” Sabi na lamang niya. “Iwan mo na lamang ako dito.”
“Are you sure?”
Tumango na lamang siya bilang pagsagot. Nagpaalam na ito sa kanya at nang makaalis ang lalaki ay tinanaw muli niya ang kalawakan ng karagatan na nasa harapan niya. Hindi tuloy niya maiwasang balikan ang nakaraan noong araw ding iyon kung saan una niyang nasilayan ang kagandahan ng babaeng patuloy pa rin niyang inaalagaan sa kanyang puso…

SEPTEMBER 2005…
            Natanawan ng mag-pinsang Oliver at Kevin ang paparating na isa sa mga malalaking bangkang service ng isang sikat na island resort sa Batangas. Patungo sila sa daungan ng mga bangka upang hintayin nila ang maghahatid sa kanila sa diving spot ng isla na naka-schedule na pupuntahan nila ng araw na iyon. Nang dumaong ang bangkang natanawan nila ay pinanuod nila ang mga bagong dating na bisita na isa-isang bumababa .
            “Ang daming magagandang bisita ngayon ah!” Narinig niyang sabi ng pinsan niyang si Oliver. Napailing na lamang siya sapagkat gumana na naman ang pagiging chick boy nito.
Magkokomento sana siya ngunit napukaw ang atensyon niya sa dalawang babaeng huling bumababa ng bangka particular na doon sa babaeng nasa likuran ng kasama nito. Tila naumid ang dila niya at tumigil ang pagtibok ng puso niya nang makita ito. Nawalan na siya ng pakialam sa kapaligiran at nakatuon ang atensyon sa babae.
Naramdaman siguro nito ang ginagawa niyang pagmamasid dito sapagkat tumingin ito sa direksyon nila lalo na sa kanya. Parang tinadyakan siya ng kabayo nang magtagpo ang kanilang mga mata. Tila napahiya naman ang babae at agad nag-iwas ng tingin. Nagmadali na rin itong makababa ng bangka upang makahabol sa kasamahan na naunang ng maglakad patungo sa resort.
Bago pa siya makakilos upang sundan ang babae ay kinuha ni Oliver ang atensyon niya upang sabihin sa kanya na dumating na ang sundo nila. Nanghinayang man siya ngunit agad ding napangiti sapagkat natitiyak niyang magkakatagpo uli silang dalawa ng babae.

BAGO tumanghali ay nagpasya na silang dalawa ni Oliver na bumalik sa resort sapagkat biglang sumama ang panahon. Lumakas bigla ang hangin at may kasama pang ulan. Nang makadaong ang bangkang sinasakyan nila ay nakarinig sila ng mga boses na tila nagtatalo.
Nang tingnan nila kung sino ang mga iyon ay laking gulat niya ng makita ang babae na laman ng isip niya mula pa kaninang umaga. Nakikipagtalo ito sa magbabangka habang nakatulala naman ang kasamahan nito na wari’y iiyak na sa ilang sandali. Nang makababa ay hindi niya naiwasang makialam sa mga ito.
            “Ahmmm… excuse me!” Sabi niya sa mga ito. Sabay-sabay namang napalingon ang mga ito sa kanya. Nanlaki naman ang mga mata ng babae nang makilala siya. Nginitian lamang niya ito at napansin niyang namula agad ang mukha nito. “Ano’ng problema?”
            Sumagot naman ang may-edad ng bangkero. “Eh sir, pinapaliwanag ko po sa kanila na hindi na pwede kaming maglayag dahil masama ang panahon. Pero nagpupumilit po sila na makabalik sa bayan ng Batangas dahil may trabaho pa daw sila.”
            Sumagot naman ang babaeng tulala kanina. “Kailangan naming makabalik agad. Nagpasweldo lang naman kami tapos ganyan na.”
            “Bago tayo magpatuloy ng usapan, we have to introduce ourselves first. I’m Kevin and this is my cousin Oliver.”
            “Hi!” Bati ni Oliver.
            “I’m Jonah and this is my friend Skye.”
     Skye… what a beautiful name! Untag niya sa sarili. Nakipagkamay siya sa mga ito at nang magdaop ang mga palad nila ni Skye ay nakaramdam siya ng kakaibang kilig at kuryente na tumagos hanggang sa puso niya. Tila naramdaman din ng babae ang naramdaman niya sapagkat tila napapasong bumitaw ito mula sa pagkakadaop ng mga palad nila.
            “We need to leave now, Manong.” Biglang nasabi ni Skye . Napakamot naman sa ulo ang huli.
            “Eh ma’am…”
          Tumikhim siya. “Mabuti pa, girls, sundin na natin si Manong kasi delikado na ang pumalaot ngayon. Nagbabanta na naman ang malakas na ulan.”
            “But…” Protesta pa ni Skye.
           “No more buts, Skye. Let’s go at uulan na naman!” Mariing sabi niya sabay hawak niya sa isang braso nito at inakay na ito paalis ng lugar. He heard Oliver chuckled at ganoon din si Jonah na nakasunod sa kanilang dalawa.