Wednesday, May 29, 2013

If You Asked Me To - Chapter 4

ANTOK na antok pa si Rhyce nang magtungo siya sa kusina ng resort nila to get a cup of coffee. Basta na lamang siya sumalampak ng upo sa isang bar stool doon at umubob sa pinaka-counter noon.
            “Kuya Pax, isang coffee please!” Pakiusap niya sa pinaka-head cook ng resort nila. Maya-maya pa’y naramdaman niyang inilapag na malapit sa kanya ang hinihingi niya. Nalanghap na kasi niya ang mabangong amoy ng bagong brewed na kape. “Salamat, kuya Pax, the best ka talaga!”
            “You’re welcome!” Sagot naman nito sa baritonong tinig.
Napakunot-noo naman siya sapagkat nag-iba yata ang tono ng boses nito. Iniangat niya ang kanyang ulo upang tingnan ito ngunit ang guwapong mukha ni Phoenix ang nakita niya na nakatunghay sa kanya. Tila naumid ang dila niya nang mapagmasdan niya ang mukha ng lalaki.
“Good morning, Ms. Estrella!” Magiliw na bati ni Phoenix.
Napapikit siya sapagkat nalanghap niya ang mabango nitong hininga. Bumilang muna siya hanggang tatlo bago nagmulat muli. Tiningnan niya ito ng masama upang pagtakpan ang kabang nararamdaman ng mga sandaling iyon.
“Anong ginagawa mo dito?” Tanong niya sa kaharap bago luminga sa paligid. Napansin niyang lihim na nagsisikuhan ang mga kitchen staff nila. Nakapaskil din sa mga labi ng mga ito ang nakakalokong ngiti at tila aliw na aliw pa ang mga ito sa kanilang dalawa ni Phoenix. She just rolled her eyes. Eksakto namang pumasok ang Kuya Rhett niya sa kusina bitbit ang isang tasang kape. Ngumiti agad ito nang makita si Phoenix. Napataas naman ang kilay niya at mukhang hindi siya napansin ng kapatid. “Kuya!”
Napalingon naman sa direksyon niya ang kapatid at halatang nagulat pa ito ng makita siya doon. “Gising na pala ang pinaka-maganda kong kapatid!” Sabi nito sabay lapit sa kanya at ginawaran ng halik sa pisngi. “Good morning, sis!”
Napaismid siya sa tinuran nito. “Ako lang ang nag-iisa mong kapatid!” Itinuon uli niya ang paningin kay Phoenix na noo’y natahimik na rin ngunit nababanaag sa mga mata nito ang pagkaaliw sa kanya. “Anong ginagawa mo dito?”
“Aaahhhmmm…” Sasagot na sana ang lalaki ngunit naunahan ito ng kapatid niya na naupo na rin katabi niya.
“Ipagluluto ka raw nitong si Phoenix ng paborito mong breakfast. Paalam niya sa akin kanina. Pumayag naman ako kasi first time na may gagawa ng ganyang gesture sa pinakakamahal kong kapatid.”
“Kuya!” Saway niya sapagkat ayaw niyang malalaman ni Phoenix na NBSB siya since birth. Tiyak lalaki lalo ang ulo nito kapag nalaman nitong first niya lahat ang lalaki.
“Tunay naman, di ba?” Patuloy ng kapatid niya. “Pustahan tayo, ni isa sa mga manliligaw mo eh wala pang naglakas-loob na ipagluto ka. Ang hirap kasi sa mga ‘yon, nababahag na agad ang buntot kapag kaharap ako.”
“Kuya… isa pa!”
“Aha! May isa palang hindi nabahag ang buntot nang makaharap ako.” Sabi pa rin nito kahit may pagbabanta na sa tinig niya. “Si boss Kev mo!”
That’s it! Hindi na niya napigilan ang sarili at nabatukan niya ang kanyang kapatid. Wala siyang pakialam kahit mas matanda ito sa kanya. Umarangkada na naman kasi ang pagiging madaldal nito.
“Aray!” Daing ng kapatid niya pero hindi siya naniniwalang nasaktan niya ito.
“Rhyce!” Narinig niyang tawag ni Phoenix sa kanya sa tonong nananaway.
Pinandilatan naman niya ito. “Ano?” Naramdaman niyang nasa tabi na niya ito at hinawakan ang isang siko niya. Nang akmang papalag siya ay naramdaman niyang lalong humigpit ang pagkakahawak nito sa kanya. “What are you doing?”
“Let’s go! Papakainin na kita ng almusal.” Sagot ni Phoenix sa kanya. “Tiyak nagugutom ka na kasi ang aga-aga eh napakainit na ng ulo mo.”
“Oo nga, sis.” Sabat naman ng kapatid niya na tatawa-tawa. “Nakaready na ang breakfast n’yo doon sa labas.”
“Ayaw kong kumain lalo na ang sumama sa iyo!”
“Okay, fine.” Tila sumusukong sabi nito. Ngunit laking gulat niya nang biglang buhatin siya nito na tila isa siyang sako ng bigas. Hindi niya naiwasang mapasigaw sa ginawa nito. Nang magpumiglas siya ay pinalo siya nito sa kanyang pang-upo na ikinagulat niya.
“What the--- I’m gonna kill you! I hate you so much!” Tili niya. Sa halip na tulungan siya ng kanyang kapatid at staff nila ay tinawanan lamang siya ng mga ito. Aliw na aliw ang mga ito sa nakikitang eksena sa pagitan nila ng lalaki. Tumigil na lamang siya sapagkat napapaiyak na siya sa sobrang inis at pagkapahiya.
“Sir Rhett, dadalhin ko muna itong maingay mong kapatid.” Narinig niyang paalam ni Phoenix sa kuya niya. “Ako na muna ang magpapatahimik sa kanya.”
“Okay, wala namang problema sa akin. Susunod na ako doon.” Sagot naman ng magaling niyang kapatid. “Salamat nga pala sa breakfast na inihanda mo.”
“Welcome and see you later. Natahimik ka na d’yan, Rhyce?”
“Whatever!” Sigaw niya dito.
Naramdaman niyang nagkibit-balikat lamang ito at lumakad na ito palabas ng kusina nila na bitbit siya.

HALOS dalawang linggo na ang nakakalipas pero hindi pa rin malimutan ni Rhyce ang nangyari sa kanila ni Phoenix lalong-lalo na nang sabay silang mag-breakfast. Hanggang ngayon ay ramdam pa rin niya ang pagkahiya sa ginawa ng lalaki sa kanya. Halos umakto ito sa harapan ng kuya at mga kaibigan niya na animo’y kasintahan niya. Asikasong-asikaso siya kasi nito habang kumakain silang lahat. Nang mga oras na iyon ay si Jay lang ang tanging kakampi niya. Hindi rin kasi nito gusto ang ginagawa ni Phoenix sa kanya. Napapansin din niyang napapatiim-bagang ang huli kapag sinasaway ng kababata niya. Tila nakikipag-paligsahan ang lalaki kay Jay sa pagkuha ng atensyon niya.
            Natahimik lang ang buhay niya nang mga sumunod na araw ay hindi siya ginambala ni Phoenix. Hindi rin ito nagpakita sa kanya na ikinasaya naman niya dahil matiwasay siyang nakapaggawa ng isa pang nobela. Sa loob ng isang linggo ay doon muna siya tumira sa sarili niyang cottage na nakatayo sa loob ng vicinity ng resort nila pero malayo sa pinaka-establishment nila. Hindi masyadong natatanaw iyon sapagkat natatakpan ito ng mga punong niyog. May kalayuan din kasi ang natura niyang cottage sa dalampasigan. Pinasadya talaga iyon ng kapatid niya para sa kanya para daw hindi siya maabala sa pagsusulat. Tanging mga kapamilya niya at malalapit na kaibigan lang ang kanyang pinahihintulutan na pumunta doon.
            Marahas siyang napailing at napatingala na lamang sa putting kisame. Kasalukuyan siyang nasa opisina ng publishing company nila. Mag-isa lang siyang nasa conference room sapagkat napaaga siya ng dating kaysa mga kasamahan niya. Nagpatawag ng meeting ang kanilang amo kaya napaluwas siya ng wala sa oras.
            “Okay ka lang, Ms. Estrella?” Ani ng isang slang ngunit suwabeng tinig kaya napagawi ang tingin niya sa kinaroroonan niyon. Nakita niyang nakatayo ang amo nilang si Sir Kev malapit sa pintuan ng opisina nito na kanugnog ng conference room nila.
            “Sir Kev!” Nakangiting bati niya sa lalaki na naglalakad na patungo sa kabisera ng conference table. “Good morning!”
            “Good morning, Ms. Estrella…” Nakangiting bati rin nito sa kanya. “Okay ka lang?
            “Uhmmm… okay lang ako.”
            “What do you want for breakfast? Magpapabili ako.”
            “No, thanks. Busog pa ako.” Sabay iling niya. Nagkibit-balikat na lamang ang amo niya bago tinuon ang paningin sa laptop nito. Guwapo naman ang amo niya pero iba pa rin ang dating ni Phoenix para sa kanya. They have the same height and built pero mas lamang pa rin ang huli kaysa amo niya.
            May pagkakaiba, Rhyce… iba ang pintig ng puso mo kapag nasa paligid si Phoenix! Sabi naman ng atribidang konsensya niya. She rolled her eyes for the thought.
            “You just rolled your eyes again, Ms. Estrella.”
            “Huh?” Sambit na lamang niya. Mukhang may sasabihin pa si Sir Kev sa kanya ngunit nagsidatingan na ang iba pa niyang mga kasamahan kaya naputol ang pag-uusap nilang dalawa. Bumuntong-hininga muna siya bago sinalubong ng isang magandang ngiti ang mga kasamahan niya.