Wednesday, February 20, 2013

If You Asked Me To - Chapter 1


“I LOVE my life!”
            Piping bulong ni Rhyce sa hangin bago humigop ng kape sa tasang Hello Kitty na hawak-hawak niya habang tambay mode ang peg niya nang mga sandaling iyon sa harapan ng gate nila at nakatanaw sa malawak na bukirin. Ilang araw lang siyang nawala pero sobrang namiss niya ang lugar nila. Ilang araw kasi siyang nasa Maynila upang asikasuhin ang mga manuscripts na ipinasa niya sa Sweet Haven Publishing Company kung saan ilang taon na rin siyang nagtatrabaho bilang romance writer. Maituturing na rin siyang isa sa mga best-selling author ng kompanya.
            Bukod sa pagiging writer, tinutulungan din niya ang kanyang panganay na kapatid sa pagpapatakbo ng kanilang maliit na beach resort na namana nila mula sa namayapa nilang mga magulang na sabay na namatay sa isang akisdente. Ipinama din sa kanila ang ilang ektaryang bukirin at lupain pati na rin ang kinatitirikan ng bahay nila ngayon sa probinsiya ng Quezon. Sa lugar na ito sila lumaki at nagkaisip. Kahit pareho silang nakapag-aral ng kapatid niya sa isang prestigious university sa Maynila at ilang taon din silang nanirahan sa lungsod ay mas pinili pa rin nilang manirahan sa probinsiya nila. Pinalago na lamang nilang magkapatid ang naiwang negosyo ng magulang nila at saka lamang sila lumuluwas ng lungsod kapag kailangan o di kaya ay kapag magpapasa siya ng mga nobela niya.
            Hindi niya naiwasang mapangiti nang malanghap niya ang sariwang hangin ng probinsiya at tumama ang malamig na hangin na dala niyon sa kanyang mukha. Napapikit siya sa sensasyong nadama niya ngunit agad ding naglaho ang kasiyahang naramdaman niya nang biglang may humaharurot na isang SUV sa maliit na kalsada ng barangay nila. Nang dumaan ang sasakyan sa tapat ng kinatatayuan niya ay siya ang nakasalo ng lahat ng alikabok dulot niyon. Sunod-sunod ang naging pag-ubo niya at pakiramdam niya ay nalunok niya ang mga gabok sa daan.
            “Aaarrrggghhh!” Sigaw niya nang makabawi mula sa pagkaka-ubo. May nakahanda na siyang mura para sa may-ari ng sasakyan ngunit bago pa niya maisagawa iyon ay malayo na ang sasakyan at mahihirapan na siyang habulin iyon.
Pasalamat ka at nakalayo ka na agad! Kung hindi, malilintikan ka sa akin kung sino ka mang driver ka! Pero oras na malaman ko kung sino kang hudas ka, pagsisihan mong nakadaan ka pa sa kalsadang ito!
Bumuntong-hininga muna siya upang maibsan ang inis na nararamdaman bago padabog na bumalik sa bahay nila.

“O, RHYCE, ano’ng nangyari? Dinig na dinig hanggang kabundukan ng Sierra Madre ang sigaw mo.”
            Bungad sa kanya ng panganay at nag-iisang kapatid niya na si Rhett nang maabutan niya itong nagtitimpla ng kape sa kusina nila. Bagong paligo na ito at nakasampay pa sa isang balikat nito ang tuwalyang ginamit. Mamasa-masa rin ang may kahabaang buhok na umaabot na sa balikat nito. Nakabihis na rin ito para sa pagpasok sa resort nila. Padarag siyang naupo sa isang silya doon at kumuha ng isang pandesal na nakahain sa dining table nila. Pinitik naman ng kuya niya ang ilong niya na lalong ikinalukot ng mukha niya.
            “Masakit ‘yon ha!” Sabi niya habang hinihimas ang nasaktang ilong.
            “Ano bang problema mo at sambakol na naman ‘yang mukha mo?”
            “Nakain ko lang naman ang lahat ng alikabok sa labas dahil ng isang walang pakundangang driver na animo’y pag-aari niya ang karsada sa lugar na ito!”
            Napataas naman ang kilay ng kuya niya sa sinabi niya. “Hayaan mo na lang kung sino ‘yon. May karma din ang taong ‘yun kasi ginalit niya ang pinaka-magandang babae sa balat ng lupa!”
            “Kuya, naman eh!”
            Tinawanan lamang siya ng kapatid niya bago ginulo ang buhok niya. “Ikain mo na lang ng almusal. Gutom lang ‘yan!”
            Napailing na lamang siya at iniba na lamang ang usapan. “Tulog pa ba ang mga bata?” Sa halip ay tanong niya tungkol sa kambal na anak ng kuya niya.
            “Hayun, napuyat kakahintay sa pagdating mo kagabi.” Sagot naman ng lalaki. “Bakit ka nga pala ginabi ng dating? Sabi mo maaga kang aalis sa Maynila kahapon?”
            “Kuya, hindi agad ako nakasakay ng bus kasi punuan lalo na’t biyernes pa mandin.”
            “Baka naman nakipag-date ka lang kahapon kaya ka ginabi ng uwi.”
            She rolled her eyes. “As if naman may mag-aaya ng date sa akin.”
            “Yung boss mo. Manliligaw mo ‘yun, di ba?”
            “Si sir Kev?” Natatawang sabi niya. “Di ‘yun nanliligaw sa akin!”
            “But he has feelings for you.”
            “Kuya…”
            “Alam ko na may gusto siya sa’yo. I saw it with my two eyes kung paano ka niya pagmasdan noong una pa lang niyang punta sa bahay na ito. At saka kung wala ‘yung gusto sa’yo, hindi ‘yun mag-aabalang ihatid ka dito sa kasagsagan ng ulan. Biruin mo, limang oras ang byahe mula Maynila hanggang dito tapos may bagyo pa.”
            Napailing na lamang siya sa sinabi ng kapatid niya. “Ganoon din siya sa ibang empleyado lalo na kay Zette.”
            “Who’s Zette?”
            “Yung kasamahan ko sa Sweet Haven.” Paliwanag niya. “Sila ang may something ni sir Kev.”
            “Tsk, akala ko naman magkaka-lovelife na ang paborito kong kapatid.”
            “Kuya, ako lang ang kapatid mo. At ayaw kong magka-lovelife, sakit lang sa ulo. ”
            Napataas ang kilay ng lalaki sa tinuran niya. “Paano mo naman nasabi na sakit sa ulo ang pagkakaroon ng lovelife eh NBSB ka nga!”
            Sumeryoso siya at matamang tiningnan ang kapatid. “Kuya, huwag kang magagalit sa sasabihin ko ha?” Bumuntong-hininga muna siya bago nagpatuloy. “Noong unang beses kong nakita si nanay na umiiyak dahil sa ginawa ni tatay, doon na nagsimula ang takot ko na umibig. I thought our parents had a perfect relationship but I was wrong. Tunay palang sa lahat ng fairy tale ay may wicked witch na handang sirain ang isang perpektong samahan.”
            “Rhyce…”
            “Let me finish first, kuya.” Awat sa kapatid niya at natahimik na uli ito. “Then, I saw you also on how your marriage destroyed you.”
Hindi niya maiwasang umusbong na naman ang galit sa puso niya kapag naaalala niya ang eksenang nasaksihan niya noong iwan ang kapatid niya ng babaeng mas matimbang ang ambisyon kaysa pamilya nito. Hindi niya malimutan kung paano nagmakaawa ang kuya Rhett niya sa harap ng dating asawa nito. Ilang buwan ding iniyakan ng lalaki ang pag-alis ng babae. Napabayaan na nito ang sarili pati ang mga anak nito na noo’y iisang taon pa lamang. Wala siyang matakbuhan noon sapagkat kamamatay pa lamang din ng kanilang magulang. Pakiramdam niya ay pasan niya ang buong mundo. Pero mabait pa rin sa kanya ang Diyos sapagkat hindi siya pinabayaan Nito sa pamamagitan ng mga kaibigan niya kasama ang mga magulang ng mga ito na tumulong at nagbigay ng lakas-loob sa kanya. Saka lamang natauhan ang kapatid niya nang isang beses na magkasakit ng malubha ang mga anak nito. Simula noon ay nangako silang magkapatid na walang iwanan at magkaagapay sa lahat ng mga problema sa buhay.
Umilap naman ang mga mata ng kapatid niya sa tinuran niya. Alam niyang nasaktan ito sa sinabi niya kaya tumigil na rin siya. “I’m sorry, kuya Rhett.”
Napatango na lamang ito at nagsimula ng kumain ng almusal.
“Kuya…”
“That’s okay, Rhyce.” Malaungkot na ngumiti ito sa kanya. “Kumain ka na para makapagpahinga ka na. Alam kong pagod ka pa mula sa biyahe.”
Tumango na lamang siya at nagsimula na ring kumain ng agahan.

MALAYANG pinagmasdan ni Phoenix ang luntiang paligid maging ang sinaunang bahay ng kanyang executive assistant cum driver na si Jay sa probinsya ng huli. Doon niya naisipang “magtago” pansamantala habang on leave pa siya sa trabaho niya. Lately kasi ay napapagod na rin siya sa career niya bilang top male model ng Fiore Model Agency. Isang sikat na model rin siya, hindi lamang sa Pilipinas ngunit maging sa buong Asya. He’s been modeling since the age of 15. Noong una, masaya pa siya pero habang tumataggal ay nananawa na rin siya. Buti na lamang at naisipan niyang mag-invest at magtayo ng mga sariling negosyo mula sa mga kinita niya sa pagmomodelo sapagkat alam niya na darating din ang araw na mawawala rin siya sa limelight.
            Matapos mapagmasdan ang kapaligiran ay nilingon naman niya ang kanyang assistant na kasalukuyang ibinababa ang mga bagahe nila. Napansin niyang sambakol ang mukha nito kaya nilapitan na niya ito upang tulungan sa pagbababa ng mga gamit nila.
            “O Jay, bakit sambakol ang mukha mo?” Tanong niya sa lalaki na kung ituring na rin niya ay parang kapatid na niya. Limang taon na rin itong nagtatrabaho sa kanya. Ulilang lubos na rin ito. “Sabihin mo lang kung nakakaabala ang pagbabakasyon ko dito sa inyo, babalik na ako ng Manila ngayon din.”
            Napailing ito sabay buntong-hininga. “Wala namang problema kung mag-stay ka dito kahit habambuhay. Ang problema kasi eh mapapatay ako ng kababata  ko na pinakain n’yo lang naman ng alikabok kanina.”
            “Huh?”
            Napakamot ito ng ulo. “Nakita n’yo ba kanina ‘yung babaeng nakatayo sa may tabi ng karsada kanina na umiinom ng kape?”
            Napakunot-noo siya sa sinasabi nito sapagkat wala siyang kaalam-alam sa sinasabi nito. “Hindi ko maintindihan ang sinasabi mo.”
            “Basta, ako na ang bahala kay Rhyce magpaliwanag mamaya. Tsk, mabubugbog ako ng babaeng ‘yon!”
            Hindi na niya napigilang mapatawa dahil kinakausap na ni Jay ang sarili nito at naaaninag din niya ang takot sa mga mata nito. Can’t believe it! Natatakot ang aking assistant sa isang babae!
            “Boss Phoenix, tara na nga sa loob at ng makapahinga na muna tayong dalawa.” Yaya nito sa kanya. “Mamaya na kita ipapasyal sa tabing-dagat.”
            “Okay!” Sagot na lamang niya at sumunod na rin siya dito papasok ng bahay.